Wednesday, March 30, 2005



A BLADE LOST IN DARKNESS



A sparkle from afar
Says death comes near
And in an instant
I fall, unmoving.

The light around me fades
As the darkness devours
The whole of me as
I fall, unmoving.

Warmth now escapes
From my unfeeling chest,
The blade's bloody sheath.
I fall, unmoving.

The untimely fusion
Of steel and flesh forges
A blade lost in darkness as
I fall, unmoving.

Thursday, March 24, 2005



PAGYUKOD KO’Y PINAGMASDAN KO ANG LUPA




Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa,
Buhanging pinupukaw ng mga alon,
At pumulot ng sigay na naglipana.

Bata akong lumaking nakatingala
Sa palalong alapaap, kaya ngayon,
Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa.

Sa bagong tanawin ako’y natulala,
Nilimot ko ang pagdaan ng panahon
At pumulot ng sigay na naglipana.

Buong buhay ko’y langit ang tinamasa,
At ngayong namulat mula sa kahapon,
Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa.

Ang buhangin pala ay sanlibong tala,
Nabanggit ko sa unang pagkakataon
At pumulot ng sigay na naglipana.

Ako’y sumalungat sa dating adhika,
Pariwarang langit na aking pinoon.
Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa
At pumulot ng sigay na naglipana.



SAMEDI




Walang anumang pagpansin pa sa mundo,
Sa musika, sa halakhak o sa gulo
Habang naghihintay sa may isang kanto
Dito sa Paris, isang gabi, Sabado.

Kanina pa nakasandal sa lampara
At pinipilit na maaninag kita
Waring tulad ng aking naaalala
Sa panaginip ko kaninang umaga.

Pilit kong minamasid ng matiyaga
Ang bawat pagkilos ng ulikbang madla
Hanggang sa ika’y lumitaw mula sa laksa
At sukuban ang aking puso ng tuwa.

Sana’y daanan mo ako sa pagliko
Dito sa kanto ng umaasang puso.
Ang Paris ay unti-unting natutuyo
Sa bawat Sabadong ako’y ‘yong binigo.



AMANG DAGAT, INANG LUPA




Marahang dumadampi ang belong tubig
Sa mukha ng batong laging nakikinig
Sa talong malumanay na humihimig
Ng basang awit sa katugunang lamig.

Ngunit ang awit ay biglang nagpapalit
Ang maraha’y raragsa sa ilang saglit
At sa kamay ng tubig na nangangalit
Ang bato’y mabubuwal, paulit-ulit.

Kahit nananatiling lubhang tahimik
Ang bato sa dusa ng pagtatangkilik
Sa awit ng tubig, kaniyang katalik,
Mailalabas din niya ang hagikgik.

At sa huli’y maaaninag rin nila
Ang lubos na pagsinta ng ama’t ina
Sa dalampasigan ng aking gunita
Ng kanyang pagtanggi sa aking pagsinta.



IKAW




Sa akin, ang bawat kataga ay luha.
Ang bawat tuldok ay marka ng pagkutya.
Ang bawat pantig ay iyong paggahasa
Sa pagtula ng aking musmos na diwa.

Sa akin, iyong puso ay talipandas
Na salita’y pakpak na pumapagaspas
Ngunit sa totoo pala’y paang gasgas
Sa iyong paglalakad sa ibang landas.

Sa akin, iyong pagsuyo ay oyayi
Na mula sa kaliluhan ihinabi
At sa aking paghimbing ay magkukubli
Sa dantay ng kumot ng ibang haligi.

Sa akin, ang bawat awitin ay ulan.
Ang tinig mo’y kulog sa aking isipan
Ngunit kahit bagyo ang kinasadlakan,
Sa basang lupa ko muling sisimulan.

Oh yeah, after many months of dormancy, I'm back! Alive and kicking, eh? Hahahaha. By the way, I'm now posting my pieces from my Malikhaing Pagsulat 10 class. It's written (of course) in Tagalog, so anybody foreign might not appreciate it, but to those who understand, please enjoy!

Oh yeah, even if it's summer, it's still autumn in my page. Still learning how to use Photoshop eh?! Hahahaha!