PAGYUKOD KO’Y PINAGMASDAN KO ANG LUPA
Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa,
Buhanging pinupukaw ng mga alon,
At pumulot ng sigay na naglipana.
Bata akong lumaking nakatingala
Sa palalong alapaap, kaya ngayon,
Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa.
Sa bagong tanawin ako’y natulala,
Nilimot ko ang pagdaan ng panahon
At pumulot ng sigay na naglipana.
Buong buhay ko’y langit ang tinamasa,
At ngayong namulat mula sa kahapon,
Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa.
Ang buhangin pala ay sanlibong tala,
Nabanggit ko sa unang pagkakataon
At pumulot ng sigay na naglipana.
Ako’y sumalungat sa dating adhika,
Pariwarang langit na aking pinoon.
Pagyukod ko’y pinagmasdan ko ang lupa
At pumulot ng sigay na naglipana.
2 Comments:
Whoa, I've never seen this before. I really like this poem, I can relate to it (or at least, I think I do). After reading it, I felt that all I had to do was take a few steps, open my eyes and I'll find all the good things in life. Yeah, sometimes we look for heaven when all we need is in the earth.
ang tagal na nung last time akong nakakita ng sigay. maybe more than six years ago.
Post a Comment
<< Home