Thursday, April 21, 2005



SA UNANG PAGKIKITA




Nakakatuwa naman, siya pala iyon.

Hindi ako nagpahalata na ako ang dapat niyang katagpuin nang dumaan ako sa harapan niya. Bitbit ko pa rin ang walang laman na bote ng apple-flavored iced tea na paborito ko. Sa di ko malamang dahilan, natapon iyon kanina sa panakaiingat-ingatan kong itim na polo habang umiinom ako. Sana hindi niya napansin na may dumaang amoy mansanas. Matamis.

Nakaisang metro na ang nalakad ko mula sa kanya bago ako muling lumingon sa kanyang direksyon. Ha, astig, green pala na polo ang suot niya. Ayaw ko pa man din ng green, pero kahit na, bagay naman sa kanya. Dalang-dala.

Aray!

Di ko namalayan na may tao pala sa harapan ko.

Sorry po.

Ano ba yan? Nakakahiya ka, sabi ko sa sarili ko. Buti na lang hindi siya nakatingin. Dinaanan ko ang malaking bulletin board ng mga activities ng kolehiyo bago ako tumigil sa may railing at doon sumandal, nakatingin pa rin sa kanya. May kausap siyang iba. Baka naman kasama niya. Hinubad niya ang kanyang salamin at pinunasan ito. Aba, in fairness, may hitsura siya. Pero parang mas gusto ko pa rin kapag suot niya ang salamin niya. Gusto ko kasi sa mga taong nakasalamin. Misteryoso.

Tatlong minuto na ang pinalipas kong nakatitig pa rin sa kanya. Naroon pa rin yung kasama niya. Mukhang foreigner, Koreano malamang. Ayoko sa ibang mga Koreano. Di ko gusto ang mga asal nila, lalo na ang boses nila kapag nakikipagusap. Masyado kasing mababa at mabilis ang pagsasalita nila. Nakakagulat.

Napagod ako sa kahihintay, di pa rin umaalis yung kausap niyang Koreano. Ayaw ko nang maghintay, kaya nagsimula na akong lumapit ng dahan-dahan. Pagdaan ko sa malaking salamin sa bulletin board na di ko pinansin kanina, pinagmasdan ko ang sarili ko at inayos ng kaunti ang aking nangangamoy manamis-namis na baro. Wala namang balakubak sa aking mga balikat, buti na lang. Dahil sa kakalagay ng gel ko sa buhok para umayos, minsan nagkakaroon na ako ng balakubak. Mahilig pa man din ako sa damit na itim. Malagim.

Matapos kung purihin ang sarili ko sa harap ng salamin, dumiretso na ako papunta sa kanya. Kinakabahan ako. Hindi ko alam ang gagawin ko. Alam kaya niya na ako ang dapat niyang katagpuin? Ayaw ko ng ganitong pakiramdam. Nakakakaba.

Kahit gusto kong magsalita, hindi ko magawa. Guwapo naman ako ah, bakit hindi ko kayang harapin siya? May ipagmamalaki naman ako. Magugustuhan naman niya siguro ako. Ngunit hindi ko man lamang mapilit ang sarili ko na batiin siya o kaya’y tanungin man lamang kung siya nga ang taong hinahanap ko. Nasa harapan ko na siya, ngunit ang nagagawa ko lamang ay tumayo at tumango. Nakakahiya.

Hindi ko na alam ang nangyari pagkatapos, ngunit umalis bigla ang Koreanong kausap niya. Tumayo siya mula sa kanyang kinauupuang baitang at lumapit sa akin. Hinawakan niya ang aking mukhang hindi ko man lamang mapilit na iharap sa kanya, mukhang puno ng pangamba sa maaaring hindi niya pagtanggap sa akin. At dahan-dahan niyang inangat ang aking ulo hanggang sa nagsalubong ang aking mga mata sa kanya. Kahit ang mga salamin niya’y hindi kayang maikubli ang pananabik na kanyang nadarama. Pareho kaming ang mga mata’y uhaw sa pagtingin ng isa’t isa. Malumanay na sumambulat mula sa kanyang mga labi ang mga unang katagang nasabi niya sa akin sa unang pagkikitang ito.

“Matagal na kitang hinahanap…aking kuya.”

0 Comments:

Post a Comment

<< Home